Sakim by Giru Mercado


Kay sarap gumawa ng bagay na ikaw lang ang gumagawa.
Kay sarap maging totoo sa sarili at ipakita kung ano ka, ikaw ay malaya
Kay sarap magsalita pag ginagalang ang boses mo ng iba.
Kay sarap talagang huminga sa mundong bukas ang isipan sa bagong opinyon ng iba.
Ganyan sana ang lupang aking tinutungtungan . (Malalim na hinga)

Kay hirap gumawa ng bagay na ikaw lang ang gumagawa.
Kay hirap maging totoo kung ang totoo ay nakakasama.
Kay hirap magsalita pag ninakaw ang boses mo ng iba.
Kay hirap talagang huminga sa mundong sinasakal ka dahil sa nakatali ang kaisipan sa bulok na nakaraan.
Ganyan ang lupang aking tinutungtungan.
(Malalim na hinga)

May mga patabaing baboy na nasa taas na pilit kang ibabagsak dahil ikaw ay ikaw.
May gumagapang sa lupa na pilit paring inaapakan.
May mga mapagsamantala sa panandaliang katayuan.
Inaabuso ang hikahos, nagdiriwang ang may biyayang lubos.
(Malalim na hinga)

May mga taong ibinabagsak ng mga patabaing baboy na nasa taas, di man lang lumalaban.
May gumagapang sa lupa na na pilit paring inaapakan ngunit tila ayaw bumangon at manindigan.
May mga nanamantala sa panandaliang katayuan at mga taong nagbubulagbulagan.
Natatakot ang hikahos, Pikit mata ang may biyayang lubos.

Kay hirap intindihin ng lupang pinangakuan may regalong malayang pagpapasya ngunit walang pasumbali sa kalayaan ng iba.
Nabubuhay para sa pansariling kahilingan.
Nagtatanung ngunit di humahanap ng kasagutan.
Naghahanap ngunit mata lang pinaghahanap.
Humihingi sa Taas pero siya ang may pagkukulang.
Hindi maniniwala hanggat di nasisilayan.
Humihingi ng himala pero nakapikit ang mga mata.
Ikaw na humihinga, katawan mong parang makina.
Hindi pa ba sapat ang pambihirang katangian na meron ang bawat isa.
Huwag ka ng sumalok sa kaban ng iba.
Meron kang sa iyo, punuin mo ng walang pagsasala.
Bakit ano ba ang gusto mo? Ang tubig ba o ang baso?
Ang tubig ang buhay at ang baso ang nais mong matamo.
Kahit ano pang ganda ng baso tubig din naman ang iinumin mo.
(Malalim na hinga)

Patuloy ang pagbagsak ng buhangin.
Pumapatak ang bawat sandali.
Ginuguhit mo sa iyong palad ang mga mangyayari.
Iba ang kahapon sa ngayon at bukas
Kay rangya ng iyong katauhan. Kay liwanag ng hinaharap.
Lahat ng yan ay pwedeng mawala sa isang kurap.
Madadala mo ba yan pag iyong mga mata ay habang buhay ng nakapikit.
Sakim ka kung tawagin pagkat sarili lang iyung nais intindihin.
Sa Mesa ni Bathala isa lang ang iyong kakainin.
Ibat ibang adhikain, pero sa isang plato lang ihahain.
(Malalim na hinga)


April 2015  |  Giru Mercado

Comments

Popular Posts